MANILA, Philippines - Hindi na matutuloy ang planong pagpapakasal ng isang Pinoy sa kanyang nobya matapos na masawi ito nang aksidenteng mabangga ng isang sasakyan na minamaneho ng isang teenager na nagdyo-joyride umano sa Saudi Arabia noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Consul Leo Tito Ausan Jr. na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagdya-jogging ang biktimang si Ryan D. Fajardo sa isang kalsada sa lungsod ng Taif, nang aksidente itong mabangga ng isang kotse dakong 10:00 ng umaga noong Abril 9 (Huwebes).
Naniniwala ang mga kasamahan ni Fajardo na nagdyo-joyride lamang ang suspek nang mabangga ang biktima, na pauwi na sana mula sa pagdya-jogging.
Hindi na umano naiwasan ni Fajardo ang kotse nang pa-zigzag itong sumalubong sa kanila, kaya’t tumilapon pa umano ang katawan ng biktima nang mabangga siya ng sasakyan.
Mabilis naman umanong humarurot palayo ang behikulo matapos ang pangyayari ngunit naaresto rin ang suspek ng mga concerned citizen na humabol dito.
Hindi naman pinangalanan ang suspek na lumilitaw na isang menor de edad, at sinamahan ng kanyang ama nang humarap sa mga awtoridad.
Isinugod sa pagamutan si Fajardo ngunit namatay din matapos ang dalawang oras dulot ng internal hemorrhage.
Nabatid na nadurog din ang buto sa balakang ng biktima at nabali ang buto nito na nagku-konekta sa kanyang beywang at pelvic bone dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga.
Nakatakda na sanang umuwi ng Pilipinas ang biktima upang pakasalan ang kanyang nobya.
Tiniyak naman ni Ausan na tutulungan nila ang pamilya ng biktima na makamit ang hustisya. (Mer Layson)