MANILA, Philippines - Ibinato pabalik ng Confederation of Government Employees Organization (COGEO) kay Sen. Panfilo Lacson ang panghihikayat kay Pangulong Gloria Arroyo na dapat itong magsisi noong Mahal na Araw.
Una ng sinabi ni Lacson kay Arroyo na dapat itong magsisi at mangilin sa panahon ng Mahal na Araw.
Ayon kay COGEO chairman, Atty. Jesus Santos , si Lacson ang dapat na magsisi dahil tila hindi ito nangilin at kahit pa mahal na araw ay patuloy ang ginagawa nitong pamumulitika.
“Si. Sen. Lacson ang dapat magsisi at magtika dahil sa ilang taon na siyang senador ay wala pa siyang nagagawang kabutihan para sa Sambayanang Pilipino,” sabi ni Santos.
Idinagdag pa nito na tila walang nagawang anumang proyekto si Lacson na pinakinabangan ng taumbayan mula ng ito ay maging Senador. Kinondena din ni Santos ang pagiging pipi ni Lacson dahil hindi nito nabitbit pauwi ng bansa ang dating tauhan na si dating Sr. Supt. Cesar Mancao upang mapatunayan din na wala siyang kinalaman sa nasabing krimen. (Butch Quejada)