Pagpatay kay Dacer konektado sa BW Resources - Gonzalez

MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez na may kaugnayan sa Best World (BW) Resources Corp. ang pagpatay kay PR man Salvador “Bubby” Dacer.

Ayon sa Kalihim, sakaling muling mabuksan ang Dacer-Corbito case ay mayroong linkage ang pagpatay sa BW Resources kung saan ang crony ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Dante Tan ang siyang chairman dito.

Sabi ni Gonzalez, posibleng mayroong dalang doku­mento si Dacer tungkol sa BW Resources na ipapakita kay dating Pangulong Fidel Ramos nang araw na imbi­tahan ng una ang huli sa kanyang opisina sa Manila Hotel. Dahil din umano sa hawak nitong dokumento ka­yat isinailalim sa surveillance si Dacer ng ilang buwan ng grupo ni Michael Ray Aquino.

Matatandaan na ang BW resources ang siyang dahilan kung bakit na-impeach si Erap dahil sa pagta-transfer ng pondo sa kung sino-sinong tao at isa din umano sa nabanggit si Sen. Ping Lacson noong 2001.

Inihayag din ni Gonzalez na si Dacer din ang kinu­hang PR man ng BW resources kung saan bilang bahagi ng kanyang trabaho ang pag-damage control da­hil dito kayat mayroon siyang mga hawak na dokumento.

Posibleng kasama na ring nasunog ang mga doku­mentong hawak ni Dacer noong natagpuan ang sunog na bangkay nito sa Cavite.

Nilinaw naman ni Gonzalez na matapos na isulong ng Court of Appeals (CA) ang pagsasampa ng kaso la­ban kay Dante Tan dahil sa pagmamanipula ng stocks na muntik nang maging dahilan upang mag-collapse noong ang Philippine Stock Exchange ay  maari nilang isulong ang extradition treaty nito upang masampahan ng kaso.

Base umano sa nakarating na impormasyon sa kali­him kasalukuyang nasa Taipei si Tan. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments