MANILA, Philippines - Pumapangalawa na ang Pilipinas sa may pinakaraming basurang nakuha sa karagatan base sa ulat ng Ocean Conservancy Organization na naka-base sa Amerika.
Nanguna sa listahan ang Estados Unidos at ikatlo ang Costra Rica.
Kaugnay nito, isinulong ni Senator Ramon “Bong” Revilla ang Senate Bill 777 na naglalayong ikulong ang sinumang magtatapon ng solid, toxic, hazardous o kahit na domestic garbage sa dagat, beach, ilog, at iba pang daanang tubig sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon sa Ocean Conservancy, may 1,355,236 piraso ng basura ang na-recover mula sa mga bahagi ng karagatan at baybaying-dagat ng Pilipinas sa kanilang isinagawang International Coastal Clean-up noong Setyembre ng nakaraang taon. Nanguna sa listahan ang Estados Unidos sa pinakamaraming basurang nakuha, na umabot sa 3,945,855 piraso. Ikatlo ang Costa Rica na may 1,017,621 piraso.
Nanguna sa talaan ng mga trash items na nakuha mula sa mga karagatan ng Pilipinas ay mga plastic bags (679,957 piraso), paper bags (253,013) at food wrappers (103,226).
Nakalap rin ang 38,394 piraso ng damit at sapatos, 55,814 tobacco-related items kabilang ang mga upos ng sigarilyo (34,154), lighters at kaha, gayundin ang 11,077 diapers.
Sinabi ni Revilla na maliwanag na ginawa ng “open dumpsite” ang karagatan dahil sa kawalan ng batas na maaaring ipataw sa mga nagtatapon ng basura.