Energy tax lalansagin
MANILA, Philippines - Bubuwagin ng Senado ang lahat ng buwis na lubhang pabigat sa taumbayan lalu na ang may kinalaman sa enerhiya.
Ito ang tiniyak kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagsabing bibigyang prayoridad ng Senado ang pagbaklas sa mga “pahirap” na buwis at “anomalya” sa industriya ng kuryente upang maibsan ang pasanin ng taumbayan sa harap ng tumitinding ‘global financial crisis.’
Sa bisa ng SB 3148 na inakda ni Enrile, tatlong porsiyento na lang ang sisingilin na buwis ng gobyerno mula sa kasalukyang P1.46/kwh sa natural gas, isa sa likas na yaman ng bansa na ginagamit ng mga power distribution companies na panggatong sa paggawa ng kuryente.
Ayon kay Enrile, ang sobrang buwis ng pamahalaan sa “nat-gas” ang dahilan kung bakit “artipisyal” ang presyo ng kuryente sa Pilipinas at mas mahal pa kumpara sa bayad sa kuryente sa Japan.
Kumpara umano sa mga karatig-bansa tulad ng Malaysia, Indonesia at Vietnam, isa na umanong “anomalya” na maituturing ang sistema ng gobyerno sa pagbuwis sa nat-gas at iba pang “indigenous energy sources.”
Kumpara sa P1.46/kwh na buwis sa nat-gas, lumabas sa pag-aaral ni Enrile na P0.17/kwh lang ang buwis sa uling/karbon; P0.20/kwh sa imported na langis at P0.29/kwh sa LPG. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending