'Capiz 'di pugad ng aswang'
MANILA, Philippines - Pinawi ni Capiz Archbishop Onesimo Gordoncillo ang paniniwala ng maraming Pinoy na ang Capiz ay lugar ng mga kinatatakutang “aswang.”
Ayon kay Gordoncillo, 20 taon na siyang naninilbihan sa Capiz ngunit wala pa siyang nakikitang aswang o kahit anumang patunay na may aswang nga sa kanilang lalawigan.
Aniya, hindi lamang naman sa Capiz pinaniniwalaang may aswang, kundi maging sa Siquijor at sa Iloilo, ngunit ang mga ito ay maaaring pawang mga “old tales” o mga lumang kwento lamang.
Sa katunayan nga aniya, ang Capiz ay isa sa pinaka-relihiyosong lalawigan sa buong bansa dahil sa pagpupuri ng mga tao dito sa Panginoon. Halos 90 porsyento rin umano ng mga residente ng Capiz ay mga Katoliko.
Ayon kay Gordoncillo, gumagawa naman sila ng mga pamamaraan upang mabura ang paniniwalang ito laban sa kanilang lalawigan tulad ng pagpapaliwanag na hindi dapat paniwalaan ang mga ganitong sabi-sabi na wala naman aniyang patunay.
Dapat rin aniyang patatagin ng mga mananampalataya ang kanilang pananalig sa Diyos sa halip na matakot sa mga lumang kwento lamang. (Doris Franche)
- Latest
- Trending