MANILA, Philippines - Pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagla labas ng binayarang anunsiyo na naninira sa P10 bilyong proyekto sa modernisasyon ng North Harbor.
Ito ang inihayag kahapon ng North Harbour Center para umano’y matigil na ang mga mali at mapanlinlang na mga anunsiyo laban sa proyekto na inilalabas ng ilang grupo.
Isa umanong “economic stimulus package” ang inihahandang pondo ng Metro Pacific at Harbour Center Port Terminal (HCPT) upang muling “buhayin” ang namamatay na masiglang kalakalan sa loob ng North Harbor.
Sinabi ng tagapagsalita ng North Harbour Center na si Tricia Sandejas na may sapat na pondo at kakayahan ang kanilang grupo upang gumastos ng bilyong-bilyong piso at maipatupad ang prayoridad ng Philippine Ports Authority (PPA), na gawing moderno at ligtas ang North Harbor sa mga tumatangkilik nito.
Binigyang diin ni Sandejas na tsismis at intriga lang ang mga lumabas na anunsiyo sa ilang pahayagan na “umatras” na sa kanilang partnership ang Metro Pacific, may-ari ng kumpanyang PLDT at ngayon ay ng Manila Electric Company (Meralco).
Ang HCPT-Metro Pacific ang tanging grupo ng bidders na nakapasa sa pre-qualification at bidding requirements ng PPA matapos hindi makapag-submit ng kanilang kumpletong dokumentasyon para sa proyekto ang kalaban nilang Asian Terminal Inc. (ATI) at ang Palawan Group.
“Dahil walang basehan ang mga intriga, dapat ituloy ng PPA ang bidding at suriin ang bid ng joint venture batay sa mga regulasyon ng PPA at merito ng mga panukala,” dagdag pa ni Sandejas.
Sa ilalim ng Terms of Reference (TOR) ng PPA para sa North Harbor, hahatiin sa dalawang bahagdan (phases) ang proyekto, kung saan obligasyon ng nanalong bidder na tapusin ang mga ma hahalagang pagbabago sa pier sa unang anim na taon nito. (Butch Quejada)