NPO may 'k' pa rin - Ermita
MANILA, Philippines - Nilinaw kamakailan ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa kanyang sulat kay National Printing Office Director Servando Hizon na may karapatan pa rin ang NPO na magpa-subcontract bidding ng mga security printer ng bansa.
Dahil dito, ibinasura ni Ermita ang naunang legal opinion ng dati niyang deputy na si Manny Gaite na nagtatanggal sa NPO ng karapatan nito na magpa-subcontract. Ang legal opinion na ito ni Gaite ay nagdulot ng kalituhan at kontrobersiya dahil sakaling tanggalin sa NPO ang karapatan sa pagpapa-imprenta, lalo lamang umanong lulubha ang ‘graft and corruption’ sa bansa.
Si Gaite ay kasalukuyang komisyuner ng Security and Exchange Commission.
Dahil sa sinasabing “midnight opinion” ni Gaite, nalito ang maraming ahensiya ng pamahalaan kung saan sila dapat magpaimprenta ng mga government forms.
Sinabi ni Ermita na matapos ang masinsinan nilang pag-aaral sa mga probisyong nasasaad sa batas, naglabas muli sila ng desisyong makakapagbigay-linaw sa lahat.
Sinabi ni Ermita na NPO pa rin ang may eksklusibong karapatan sa pagpapa-imprenta sa mga government forms at maaari itong ipa-sub contract sakaling hindi kayanin ng ahensiya basta idadaan lamang sa tamang bidding at proseso.
Sinasabing NPO ang pinakaepektibong bantay para mabusisi ng husto ang document forms ng pamahalaan na may special security features tulad ng mga accountable forms, official ballots at mga pribado pang dokumento.
Ang ‘midnight legal opinion’ na ito ni Gaite ay ipinalabas ilang araw bago siya maitalaga bilang komisyuner ng SEC kapalit ni Jesus Martinez na isinangkot sa ‘legacy scam.’
Nauna nang inakusahan ni dating NPO officer-in-charge Dionisia Valbuena ang Ready Forms Inc., na nasa likod umano ng pagpapakalat ng balitang wala sa NPO ang karapatan sa pagpapa-subcontract biddings. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending