Pistachio ganap nang tinanggal sa pamilihan
MANILA, Philippines - Tuluyang nang naialis sa mga supermarket at groceries sa bansa ang mga pistachio products bunsod pa rin ng salmonella scare.
Ayon kay Bureau of Food and Drug Director Leticia Gutierrez, batay sa isinagawa nilang inspeksyon sa mga supermarket, lumilitaw na lahat ng pistachio nuts at pistachio-containing products ay naialis na tulad nang nauna nilang ipinag-utos.
“Umikot nga kami at wala na kaming nakitang mga produktong may pistachio nuts o pistachio-containing product. Tinanggal na ng mga supermarket,” paniniyak pa ni Gutierrez.
Una nang inutos ng BFAD ang pagbawi ng lahat ng US-made pistachio products matapos na makatanggap ng official transmittal mula sa United States Food and Drug Administration na ang isang milyong pounds ng pistachios mula sa Setton Pistachio ng Terra Bella ay kontaminado ng salmonella.
Inamin ni Gutierrez na hindi naman lahat ng pistachio nuts at products ay kumpirmado nang may salmonella ngunit mas makabubuti na rin aniya na iwasan muna ng publiko ang pagkain sa mga ito, upang matiyak na ligtas sila laban sa naturang bacteria.
Ipinaliwanag ni Gutierrez na hindi pa kasi nasusuri ang iba pang pistachio nuts at products na mula sa ibang lugar kaya wala pang kasiguruhan na hindi kontaminado ang mga ito ng salmonella.
Tanging ang mga pistachio products lamang na mula sa Setton Pistachio ng Terra Bella Inc. na nakabase sa California ang kumpirmadong kontaminado ng salmonella. (Doris Franche)
- Latest
- Trending