MANILA, Philippines - Hindi lamang iisang beses sa tuwing flag raising ceremonies kada Lunes ng umaga isasagawa ang pag-awit o pagpapatugtog ng national anthem na “Lupang Hinirang”kundi dalawang beses na kada araw ito gaganapin sa loob ng Ninoy Aquino International Airport.
Kahapon ay nagpalabas ng direktiba si Manila International Airport Authority General Manager Al Cusi na patutugtugin na ang pambansang awit ng Pili pinas kada alas-8:00 ng umaga bago ang pagbubukas ng oras ng trabaho at alas-5:00 ng hapon kung saan karaniwang nagtatapos ang trabaho ng mga emplyeado. Ito ay isasagawa sa MIAA administration building at NAIA terminal 1, Centennial Terminal 2 at NAIA 3.
Ayon kay Cusi, layunin ng bagong hakbang na itaguyod ang nasyunalismo sa lahat ng empleyado ng NAIA at makapagbigay sa kanila ng inspirasyon upang pagsilbihan ang bayan sa pamamagitan ng maayos at mahusay na trabaho.
Sinabi ni Cusi na ang mga turista o dayuhan na bumibisita sa bansa na makakarinig ng national anthem ng Pilipinas ay makakapag-paalala sa mga ito na ang mga Pilipino ay responsableng mamamayan at kung gaano ipinagmamalaki ang kanyang cultural heritage. (Ellen Fernando)