Kritiko ni GMA, may ceasefire
MANILA, Philippines - Kasabay ng paggunita ng Semana Santa, mistulang nagdelaklara ng “ceasefire” ang ilang senador sa pag-atake sa administrasyong Arroyo.
Tumanggi ang ilang senador na nasa bansa na magbigay ng pahayag kontra sa administrasyon at ginagamit pang dahilan ang mahal na araw.
Ilang senador ang ayaw nang sumagot kahit sa pamamagitan ng text message na posibleng nagtitika rin ngayong mahal na araw.
Kasalukuyan namang nasa Ethiopia si Senate minority floor leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr. na dumadalo sa 120th General Assembly ng Inter-Parliamentary Union sa naturang bansa. Halos lahat ng mga kasamahan niya ay umiiwas sa media interview.
Kung dati-rati ay napakabilis kunan ng komento, hindi na sumasagot sa kahit anong text ng Senate reporters si opposition senator Panfilo “Ping” Lacson.
Maging si Senate pro-tempore Jose “Jinggoy” Estrada na nasa Abu Dhabi ay nakiusap sa huwag na munang hingan ng anumang komentong masasakit laban sa administrasyong Arroyo.
Deadma rin sa text at tawag maging sina Senador Manuel Roxas II at senador Francis “Chiz” Escudero III. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending