550 estudyante sa Caloocan bibigyan ng trabaho
MANILA, Philippines - Ibinalita kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na matagumpay na mabibigyan ng trabaho ng Public Employment and Services Office (PESO) ang may 550 estudyante ng lungsod sa Summer Program for the Employment of Students o SPES nito.
Ayon kay Echiverri, ka ramihan sa mga estudyanteng ito ay kabilang sa mga pinakamahihirap o mga anak ng mga natanggal sa trabaho bunsod ng umiiral na krisis pinansiyal.
Sinabi pa ng alkalde na ang naturang programa ay bahagi ng serbisyo ng pamahalaang lungsod upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga mahihirap na pamilya sa Caloocan.
Siniguro rin niya na ang mga na-hire na estudyante ay tatanggap ng minimum wage at magtatrabaho sa loob ng 20 working days.
Ang summer employment program, na tumanggap ng mga estudyante edad 15 hanggang 25, ay tatakbo mula Mayo 4 hanggang 29.
Una rito, tiniyak ng Labor and Industrial Relations Office (LIRO) na mas mabibigyang prayoridad ng programa ang mga mahihirap na estudyante mula sa dalawang distrito ng siyudad.
Ayon naman kay LIRO chief Dante Esteban, nauna nang iniutos ng alkalde na mas piliin ang mga mahihirap na mag-aaral upang mabigyan sila ng pagkakataong kumita ng pera sa panahon ng kanilang summer break.
- Latest
- Trending