Chinese business executive unang nabigyan ng job visa ng Bureau of Immigration
MANILA, Philippines - Isang Chinese investor at executive ng isang power transmission firm na nag-o-operate sa Pilipinas ang unang tumanggap ng indefinite “job generation” visa na ibinibigay ng Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhang may 10 o higit pang Pilipinong manggagawa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang negosyanteng Tsino na si Ruan Qiantu, isang miyembro ng board of director at chief technical officer ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon kay Libanan, ang NGCP, kung saan may bahagi ang Hongkong-based na State Grid Hongkong Ltd., ay may 5,000 full-time at regular Pinoy workers.
Sinabi ni Libanan na ang NGCP ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at nagpa patakbo ng nationwide power transmission grid sa bansa.
Inaprubahan naman ni BI Associate Commissioner Roy Almoro ang pagbibigay ng special visa for employment generation (SVEG) kay Ruan dahil ito ang unang aplikante na nakatupad sa mga hinihinging requirements para sa visa.
Ayon naman kay Atty. Cris Villalobos, BI legal officer na namumuno sa bagong-tatag na one-stop shop center para sa SVEG, ang visa ay itinatak na sa pasaporte ni Ruan noong Biyernes at sa pareho ring araw, ay binigyan ng sertipikasyon ni Libanan at isang ACR I-Card ng BI alien registration division. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending