MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang isang showroom-warehouse ng isang imported lighting fixtures sa Mandaluyong City dahil umano sa undervaluation na nagkakahalaga ng P50 milyon sa kanilang importasyon ng mga lamps.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio “Bebot” Villar Jr., ang sinalakay ng kanyang mga tauhan ay ang Aristocrat House of Lamps dahil sa umano’y paglabag nito sa Bureau of Products Standard (BPS).
Sa ginawang inspection ng PASG sa Aristocrat House of Lamps na pag-aari ni Joey Uy sa ground floor at 3rd floor Paragon Plaza, 162 EDSA, Mandaluyong ay natuklasan ang mga imported na chandeliers, table lamps, wall lamps, post lamps, home décor at furniture.
Natuklasan ng PASG na pawang undervalued, misdisclared at over-quantity ang mga imported products na paglabag sa tariffs and customs code of the Philippines.
Ayon kay Villar, ang isang chandelier na may crystals ay ibinebenta ng Aristocrat sa halagang P1 milyon, habang ang lamp shade na may crystal ay ibinebenta nito ng P200,000 at ang gold-plated na grand fathers clock at sofa set ay ibinebenta naman sa halagang P500,000 bawat isa. (Rudy Andal)