MANILA, Philippines - Personal na inikot at ininspeksyon ni Land Transportation Office (LTO) Chief Arturo Lomibao kasama ng kanyang mga tauhan ang ibat ibang bus terminals sa Quezon City bilang bahagi ng kanilang programang Oplan Kalakbay na layuning maalalayan at maingatan ang mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Semana Santa.
Tiniyak ni Lomibao na hindi lamang tuwing may ganitong okasyon iikot ang kanyang mga tauhan sa mga bus terminals kundi sa lahat ng oras ay magsasagawa ng sorpresang inspection ang LTO law enforcers.
Kabilang sa ininspeksiyon ang Araneta Center sa Cubao, Dagupan Bus terminal, Viron transit terminal, Victory Liner, Baliwag Transit at iba pang bus station sa Quezon City, inabisuhan nito ang mga terminal managers na ‘wag aalis ng terminal kung hindi road worthy ang sasakyan.
Binuksan din nito ang pintuan ng LTO para tumanggap ng mga sumbong at ipagbigay-alam sa kanyang hotline sa 0917-5048885 ang anumang reklamo laban sa mga pasaway na driver at pampasaherong sasakyan na hindi nagkakaloob ng maayos na akomodasyon sa mga pasahero. (Angie dela Cruz)