MANILA, Philippines – Isang uri ng “wake-up call” sa administrasyon ni Pangulong Gloria Arroyo ang panibagong dagok na natamo ng Pilipinas makaraang makabilang ito sa tatlong bansa na “tax evasion haven” sa buong mundo, ayon kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa panayam ng mga mamahayag sa telepono, sinabi ni Estrada na sana’y makinig si Pangulong Arroyo sa naturang “wake-up call” at magpasimula ng bagong reporma sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan.
Isa sa mungkahi ni Estrada ang ganap na pagbalasa sa buong komposisyon ng gobyerno mula sa ibaba hanggang sa pinakamataas.
Sinabi ni Estrada na hindi na siya nagulat sa pagtukoy sa Pilipinas ng Organization for Economic Cooperation and Development bilang isa sa tatlong “tax evasion havens” sa mundo at pag-ban para makatanggap ng ayuda sa mga proyekto. (Danilo Garcia)