MANILA, Philippines – Magpapakalat ng bus marshals ang Philippine National Police para pangalagaan ang mga bumibiyahe patungo sa mga probinsiya sa pa nahon ng Semana Santa.
Sinabi rin kahapon ni PNP Spokesman Supt. Nicanor Bartolome na magpapakalat din sila ng mga pulis sa paligid ng mga simbahan para sa seguridad ng mga taong papasok dito.
Sinabi ni Bartolome na bahagi ng Standard Operating Procedure ng PNP ang magpatupad ng mga pamamaraang panseguridad upang mapigilan ang posibleng pagsasamantala ng mga elementong kriminal.
Magpapakalat din ng mga nakasibilyang pulis o marshals sa mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa probinsya.
Babantayan ng mga bus marshal ang mga kahina-hinalang kalalakihan na sasabayan ng mga ito sa pagsakay sa mga bus sa pamamagitan ng pagpapanggap na pasahero hanggang sa makarating ang mga behikulo sa destinasyon nito.
Bilang bahagi ng seguridad ay kukunan ng larawan sa mga bus terminals ang mga pasaherong sasakay sa mga bus sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Idinagdag pa ng opisyal na tututukan rin ang seguridad sa mga resorts, malls at iba pang lugar na dinarayo ng mga tao kapag Semana Santa upang tiyakin ang kanilang seguridad.