MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Capiz Archbishop Onesimo Gordoncillo na totoo ang pagkakaroon ng kulto subalit hindi lamang ito sa lalawigan ng Capiz kundi maging sa ibang bansa.
Ayon kay Gordoncillo, ang kulto ay bahagi ni Satanas na nais na lituhin at baguhin ang pananampalataya at paniniwala sa Diyos ng mga Kristiyano.
Dito aniya, nasusubukan ang katatagan ng paniniwala ng isang tao dahil aabot sa puntong titimbangin ang kanyang pananalig sa Panginoon.
Ipinaliwanag ni Gordoncillo na ang mga kulto ay paghahandog kay Satanas na kadalasang kinabibilangan ng hayop at tao.
“Meron din sa America na they are offering human beings. Meron daw nangya yari sa America even sa Europe, even for me, sa Philippines meron din mga Satanist na on the side of darkness and evil and they are also organized,” ani Gordoncillo.
Kadalasan ding isinagawa ng mga kulto ang kanilang ritwal sa ilog, gusali at chapel kung saan mayroon ding nagsisilbing high priest.
Samantala, itinanggi naman ni Gordoncillo na ang lalawigan ng Capiz ay lugar ng mga aswang. Aniya, 20 taon na siyang naninilbihan sa lalawigan subalit hindi pa siya nakakakita ng aswang na tulad ng sinasabi ng iba.
Dahil dito, pinapayuhan ng simbahan ang publiko na huwag maniwala sa mga sabi-sabi at dapat na palakasin pa ang kanilang pananalig. (Doris Franche)