MANILA, Philippines - Sinigurado kahapon ng Malacañang na magiging simple lamang ang ika-62 kaarawan ngayon ni Pangulong Gloria Arroyo na ipagdiriwang niya sa Lubao, Pampanga.
Kasamang magse-celebrate ng Pangulo ang miyembro ng kanyang pamilya na dadalo sa isang misa sa St. Augustine Parish church sa Barangay San Nicolas na pangungunahan ni Pampanga Archbishop Paciano Aniceto.
Matapos ang misa, pa nunumpain ng Pangulo ang 94 na miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Units (CAFGUs) sa loob mismo ng quadrangle ng simbahan.
Nalampasan na ng mga bagong miyembro ng CAFGU ang basic Military Training (BMT) na ginanap sa 7th Infantry Division Training Unit ng Philippine Army (PA) mula Pebrero 10 hanggang Marso 25, 2009.
Inaasahang makakasama ng Pangulo sa isang pananghalian ang mga local executives ng Pampanga bagaman at hindi sigurado kung kumbidado rin si Pampanga governor Among Ed Panlilio.
Pangungunahan din ng Pangulo ang “One Town, One Product” (OTOP) Bazaar para sa mga produktong nagmula sa Pampanga.
Mamamahagi rin ang Pangulo na mga supot ng groceries para sa 1,000 mahihirap na mamamayan ng Pampanga bago ito magtungo sa Clark Freeport Zone para sa pormal na pagbubukas ng Clark South Interchange ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX). (Malou Escudero)