Nagbabala kahapon si Labor Secretary Marianito Roque sa mga naghahanap ng trabaho sa mga recruitment agency na mag-ingat sa mga online jobs na inaalok ng bansang United Kingdom sa pangamba na ang mga ito ay peke.
Ayon kay Roque, dapat na mag-ingat ang sinuman na tumugon sa alok na trabaho ng online jobs sa bansang UK na agad nanghihingi ng pera bilang bayad sa visa at work permit.
Sinabi ni Roque, sa report ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa London, umaabot na sa 200 emails ang kanilang natatanggap upang beripikahin ang legalidad ng mga trabaho sa nasabing bansa na nakalagay sa internet.
Lumilitaw na nakakatanggap ng mga emails ang mga aplikante kasama ang appointment letters, work confirmation, at employment contracts mula umano sa mga UK employers kung saan inuutusan ang mga aplikante na kumuha ng kanilang mga travel agencies, immigration firms, at solicitors mula sa bansang UK na makakatulong sa kanila.
Sa pagsisiyasat ng DOLE, ang mga job offers ay peke at illegal dahil ang visa application ay isinusumite ng personal ng aplikante.
Nilinaw din ni Roque na travel agencies, immigration consultants, recruitment firms, solicitors at mga ahente sa UK ay hindi awtorisadong maging sponsor ng mga aplikante. (Doris Franche)