MANILA, Philippines - Inalarma kahapon ng aviation authority ng Japan ang lahat ng aircraft pilots at airlines officials na pumapasok at lumalabas sa kanilang paliparan kabilang na ang mga eroplano mula sa Pilipinas na mag-ingat at maging maagap sa posibleng anti-ballistic missile na isasagawa sa kanilang airspace.
Sa ipinalabas na aviation advisory, pinapayuhan ang mga piloto at mga opisyal ng iba’t ibang airlines na doblehin ang kanilang pag-iingat para sa pinalilipad na mga eroplano sa piling kalawakan ng Japan dahil sa magiging epekto ng isasagawa nilang anti-ballistic missile.
Sinabi pa sa notice na ang anti-ballistic missile ay pakakawalan upang sirain at kontrahin naman ang mga ballistic missile o ibang kahalintulad na object gaya ng rocket na pakakawalan umano ng Pyongyang.
Ang “Notice to Airmen” o NOTAM ay ipinalabas ng Air Traffic Flow Management Center ng Transport Ministry sa Japan bago ang planong pagpapakawala ng rocket ng Pyongyang.
Base sa report, nagpadala na ang pamahalaang Japan ng Patriot guided-missile fire units sa Akita at Iwate prefectures at maging sa Tokyo kung saan inaasa hang lilipad ang rocket, upang tirahin naman pababa ang mga parte ng rocket na posibleng babagsak sa mga nasabing lugar.
Unang inihayag ng Pyongyang na isasagawa ang pagpapakawala ng rocket sa pagitan ng Abril 4 hanggang Abril 8.