MANILA, Philippines - Sampung miyembro ng hinihinalang Jemaah Islamiyah (JI) terrrorist kabilang ang isang Singaporean ang umano’y utak sa pakidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf sa tatlong bihag na International Committee of the Red Cross (ICRC) workers sa Sulu.
Kinumpirma kahapon ni AFP-Western Mindanao Command (Westmincom) Chief Lt. Gen. Nelson Allaga na namataang tumatakbo ang 10 JI kasama ang mga bihag na sina Andreas Notter, Eugenio Vagni at Marie Jean Lacaba.
“May 10 JI terrorist ang namonitor ng aming mga intelligence operative sa kuta ng mga kidnapper sa kagubatan ng Sulu,” sabi ni Allaga.
Ang nasabing mga JI terrorist ang hinihinalang nagsusuplay ng armas at nagdidikta sa mga bandidong Abu Sayyaf kaugnay ng hakbangin ng mga ito laban sa tatlong bihag.
Aniya, nagpapalipat-lipat lamang ang mga ito ng taguan sa kagubatan ng Mt. Tukay sa hangganan ng mga bayan ng Indanan, Parang at Maimbung pero hindi pa sila nakakatakas. Ang lugar ay mahigpit na kinokordon ng tropa ng pamahalaan.
Muli ring inulit nito na positibo silang buhay pa ang mga bihag bagaman wala pang pruweba rito.
Ginawa ni Allaga ang paniniyak dahil sa kumakalat na ulat na pinugutan na umano ng Abu Sayyaf ang mga bihag.
Naunang nagbanta ang Abu Sayyaf na pupugutan nila ang mga bihag kung hindi ganap na lilisanin ng militar ang Sulu hanggang nitong hapon ng Marso 31.
Sa kabila naman ng paniniyak ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na buhay pa ang mga bihag, naghihintay pa rin ng konkretong balita ang ICRC sa kalagayan ng tatlo nilang miyembro o pruwebang buhay pa ang mga ito.
Ayon kay Alain Aeschlimann, Director ng ICRC sa Timog Silangang Asya, patuloy nilang ipinagdarasal na sana ay hindi itinuloy ng mga bandido ang bantang pamumugot ng ulo at sa halip ay pinalaya na lamang nang walang kondisyon sina Notter, Lacaba at Vagni.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pa rin silang kontak sa kanilang mga kasamahan at maging sa grupo nina Abu Sayyaf Commander Albader Parad at Abu Jumdail alyas Dr. Abu Pula na siyang may hawak sa mga bihag.