MANILA, Philippines - Pinagsabihan kahapon ng Malacañang si Energy Secretary Angelo Reyes na dapat maging pro-active at agad ipaalam sa publiko kung magkakaroon ng oil price hike upang hindi ito nabibigla.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa kanyang media briefing sa Palasyo, tungkulin ni Reyes bilang pinuno ng Department of Energy (DOE) na ipaalam sa publiko kung may magaganap na paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa kabila nito, naniniwala naman ang Malacañang na ginagampanan ni Reyes ang kanyang trabaho bilang DOE chief.
Ani Ermita, kung nakikita naman ng DOE chief na mayroong pangangailangan na magpatupad ng “regulation” sa oil industry ay sigurado siyang irerekomenda ito sa Palasyo upang maisabatas ito.
Sa kasalukuyan ay “deregulated” ang oil industry kaya upang maging “regulated” ang industriyang ito ay dapat magkaroon ng panibagong batas upang magkaroon ng control ang gobyerno sa oil industry. (Rudy Andal)