Pistachio nuts mula US pinababawi ng BFAD
MANILA, Philippines - Inutos na ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang pagbawi sa lahat ng pistachio based product na gawa sa Amerika sa pangamba na kontaminado rin ang mga ito ng salmonella bacteria gaya ng natagpuan sa ilang peanut butter products sa bansa.
Kahapon ay inilabas ni BFAD Director Leticia Gutierrez ang recall order matapos ang naunang babala ng US Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa posibilidad na kontaminado ng salmonella ang pistachio mula sa kumpanyang Setton Pistachio of Terra Bella Inc. na nakabase sa California.
Hinihinala ng BFAD na noong Disyembre ginawa ang mga pistachio products na hinihinalang kontaminado ng salmonella batay na rin sa rekord ng mga naka-rehistrong produkto sa kanila na ibinebenta dito sa Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay nagpakalat na ng team ang BFAD para alamin kung saang mga pamilihan ibinebenta ang mga produkto kasabay ng pagsasagawa ng sariling pagsusuri sa mga pistachio na galing sa Amerika.
Nilinaw naman ng BFAD na tanging ang mga pistachio lamang na galing sa Amerika ang sakop ng recall order at hindi ang iba pang galing sa ibang bansa.
Matatandaang una nang sinabi ng pamunuan ng Setton International Foods Inc., na posibleng may nahalong kontaminadong hilaw na mani sa roasted nuts na naging dahilan ng salmonella scare sa pistachio.
Base sa ulat ng US FDA, nagkusa na ang Setton Pistachio na i-recall ang mahigit sa 2 million pounds ng kanilang produkto.
Ang Setton ang ikalawa sa pinakamalaking pistachio processor sa Estados Unidos. (Doris Franche/Rose Tesoro)
- Latest
- Trending