Pinugutan na?
MANILA, Philippines - Balot ng matinding phobia ang buong Sulu matapos kumalat ang text messages sa lalawigan na napugutan na umano ang dalawang dayuhang miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na bihag ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Jolo Mayor Hussein Amin, kumalat rin sa text na nasugatan ang bihag na si Swiss national Andreas Notter nang tangkain nitong tumakas sa takot na siya ang mapugutan ng ulo kung saan ay nabaril umano ito ng mga bandido at nasa kritikal na kondisyon.
Ngunit nilinaw ni Amin na ang lahat ng ito ay pawang mga espekulasyon lamang at wala pang malinaw na kumpirmasyon hangga’t walang pruweba o di napapatunayan.
“We need proof of life, otherwise it’s all speculations,“ ani Amin na umapela sa mamamayan na huwag munang magpanic dahil wala pang katiyakan ang kumakalat na mga balita.
Una ng sinabi ni Sulu Gov. Abdusakur Tan, pinuno ng ICRC Crisis Committee na ligtas sa ngayon ang mga biktima at walang napugutan ng ulo kaya naman bukas muli ito sa negosasyon sa ASG.
Kasabay nito, nakatanggap ng ulat ang Task Force ICRC na nagtatangka nang tumakas ang ASG mula sa kuta ng mga ito sa bahagi ng Mt. Tukay sa Parang at Indanan, Sulu kaya naman agad na umalerto ang tropa ng militar at pinalibutan ang nasabing lugar upang masakote ang mga Ito.
May 2,000 pulis at civilian volunteer ang ibinalik sa kagubatan ng Sulu para ipitin ang Abu Sayyaf dala ang misyon na walang palulusutin na bandido.
Ibinagsak na rin ang signal ng cellphone sa Indanan at Parang kaya wala ng linya ng komunikasyon doon.
Sinuspinde na rin ng Philippine National Police ang bisa ng lahat ng Permit to Carry Firearms Outside Residence sa Sulu para matiyak ang peace and order habang nasa Ilalim ng state of emergency. Tiniyak naman ni PNP Civil Security Group Director C/Supt. Ireno Bacolod na mahaharap sa kaukulang kaso ang sinumang lalabag dito.
Nakaalerto na rin ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa posibilidad ng ma lawakang paglilikas ng mga residente sa ilang bayan ng Sulu sa oras na magkaroon ng bakbakan sa pagitan ng militar at ASG.
Una dito, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na buhay pa sa ngayon ang mga biktima.
Aniya, sa monitoring ng Crisis Management Committee, walang pinugutan sa mga bihag na sina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba na may 79-araw ng hawak ng ASG mula ng dukutin ang mga ito noong Enero 15.
Muli rin nanawagan ang ICRC sa ASG na huwag sasaktan ang mga biktima bagama’t natapos na ang ultimatum ng mga ito kapalit ng total pullout ng militar sa naturang probinsiya.
- Latest
- Trending