MANILA, Philippines - Isang puntos na lang ang naghihiwalay kina Vice President Manuel “Noli” de Castro Jr. at dating Senate President Manny Villar sa gitgitan ng rating ng mga itinuturing na “presidentiables” batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Station.
Mula sa dating 31 percent na rating ni De Castro noong Disyembre 2008, bumagsak ang rating ng Bise Presidente sa 27 percent nitong Pebrero 2009.
Nakakuha naman si Villar ng 26% ngayong Pebrero. Kung pagbabatayan ang margin of error ng survey na three percent, lilitaw na halos pantay na lamang sila ni Villar.
Kaagad na sumunod ang pinagpipiliang pambato ni business tycoon Eduardo “Danding” Cojuangco na sina Sens. Loren Legarda (25%) at Francis Escudero (23%).
Nalagasan ng tatlong puntos si Legarda (dating 28%) at mistulang nalipat naman sa kapartido niya sa Nationalist People’s Coalition na si Escudero na nadagdagan ng apat na puntos.
Malayong pang-lima na si Sen Manuel Roxas II (15%) at kasunod sina Sen Panfilo Lacson (14 %) at dating Pangulong Joseph Estrada (13%). (Butch Quejada)