MANILA, Philippines - Umalma ang sambayanang Pilipino laban sa isang Hong Kong columnist makaraang tawagin nito sa kanyang artikulo sa HK magazine ang Pilipinas na bansa ng mga alipin o “nation of servants”.
Sa naturang artikulo ni Chip Tsao na may titulong “At War at Home,” nakasaad na walang karapatan ang Pilipinas na angkinin ang Spratlys at kunin ito mula sa China dahil isa ang huli sa mga bansang nagpapasahod sa mga Pinoy na nagtatrabaho bilang domestic helpers.
Inutusan pa ni Tsao ang kanyang kasambahay na Pinay na sabihin sa lahat ng DH doon na ang Spratly ay pag-aari ng China at kung magkakagiyera ay ma pipilitan umano si Tsao na pauwiin at sibakin ang kanyang katulong.
Bunsod nito, nanawagan si Parañaque Rep. Roilo Golez na iboykot ang pagbiyahe sa HK at pagtangkilik sa kanilang mga produkto pati na mga pagkain sa loob ng 6 na buwan.
Sa Senado, pinakakasuhan naman ni Sen. Chiz Escudero si Tsao dahil nakataya dito ang paninindigan ng bansa, samantala public apology naman ang hingi ni Sen. Pia Cayetano.
Pinakilos na ng Malacañang si DFA Sec. Alberto Romulo para utusan ang Philippine Consulate sa HK para magsagawa ng pag-aaral kung ano ang epekto ng pang-aalipusta ni Tsao sa mga Pinoy. Hiniling din ni Labor Undersecretary Susan Ople na i-blacklist si Tsao sa Pilipinas at ideklarang “undesirable alien” at persona non grata.
Habang isinusulat ang balitang ito, humingi na ng paumanhin ang publisher ng HK magazine. (Butch Quejada/Malou Escudero/Ellen Fernando / Mer Layson/Rudy Andal)