MANILA, Philippines - Hihingi ng tulong sa Philippine National Police at Integrated Bar of the Philippines ang abogado ng dalawang pangunahing “testigo” ng pamahalaan sa kaso nitong pagkumpiska ng kontrobersyal na Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, mula sa PIATCO at dating kapartner nitong Fraport, matapos silang makatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.
Ang mga testigo na sina Engr. Rey Libutan, dating tauhan ng Wintrack Builders, Inc. na kapartner din ng PIATCO, at Dr. Norbert Loesch, dating consultant ng PIATCO na nagmula rin sa Fraport, ay kapwa nagtatago makaraang makatanggap ng nakagigimbal na text messages mula sa mga ‘di kilalang senders kasunod ng kanilang pagtestigo sa ICC at ICSID.
Ayon kay Atty. Jose Bernas, abogado ng mga witness na maging siya ay muntik nang mapatay nang pumasok sa tanggapan nito ang mga armadong lalaki na nagpanggap na “mediamen” at tinangka umano siyang barilin nang harapan. Natakasan la mang umano niya ang tangkang pagpatay sa kanya, subalit patuloy aniya ang pagbuntot-buntot ng mga kahina-hinalang tao.
Naniniwala si Bernas na may isang organisadong planong ipinatutupad upang takutin at patahimikin ang mga testigo at ang mga nagsampa ng kaso laban sa PIATCO, sa isyu ng NAIA 3. Posible umanong kagagawan ito ng mga taong nasasagasaan sa kanilang pakikibaka para sa katotohonan at patas na pag-iral ng batas. (Ellen Fernando)