DILG at BFAD kapit bisig vs salmonella
MANILA, Philippines - Sanib puwersa ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) at Department of Interior and Local Government (DILG) para mapaigting ang pagbabantay laban sa mga nagpapalusot sa pagbebenta ng ipinagbabawal na palaman na sinasabing may salmonella.
Sa ilalim ng kasunduang ito, ang DILG ang magmomonitor sa mga nasasakupan nilang lugar upang mapadali ang pagrerekisa ng BFAD kung aling produkto ang kontaminado ng salmonella.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng BFAD sa Samuya Corporations na may-ari ng palaman na umano’y may salmonella na itigil na rin ang pag-export ng kanilang produkto.
Ayon naman sa pamunuan ng Samuya, hindi sila nage-export ng kanilang produkto, ngunit hindi sila sigurado kung may mga kumukuha sa kanila ng produkto na nagpadala nito sa ibang bansa.
Anila, mas mapapadali ang pagbawi ng mga Samuya products kung tatanungin ang mismong mga supermarket at tindahan kung nagpadala sila ng Samuya products sa abroad.
Lumalabas na ilang araw simula noong pumutok ang salmonella scare sa mga peanut butter ng Samuya, pero hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang BFAD kung saan nagmula ang bacteria.
Sa pagsusuri ng mga empleyado ng Samuya, negatibo ang unang batch sa salmonella bacteria, habang sa susunod na linggo ay makukumpleto na ng BFAD ang second batch sa kanilang pagsusuri.
Ang salmonella ay karaniwang nagmumula sa manok at iba pang hayop na may dalawang paa, maging sa kanilang mga itlog.
Pinapayuhan ang mga mamimili na huwag bumili ng itlog na basag o may crack upang makaiwas sa kontaminasyon.
Wala pang nakukumpirmang namatay sanhi ng salmonella ngunit ayon sa Department of Health, maaaring makamatay ito kung mapapabayaan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending