MANILA, Philippines - Lusot na sa posibleng kaso ng ‘gun toting’ sina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at Makati City Mayor Jejomar Binay matapos ang mga itong makunan ng video footage at larawan habang lulan ng isang behikulong may gun replica ng 50 caliber machine gun sa Carmen, Cebu.
Ito’y matapos na linawin ni PNP-Civil Security Group Director, Chief Supt. Ireneo Bacolod na base sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay walang nilabag na batas sina Erap at Binay.
Una rito, ipinag-utos ni PNP Chief Director Jesus Verzosa na imbestigahan ang insidente na nakarating sa kanyang kaalaman hinggil sa umano’y pagbabandera ng 50 caliber machine gun replica noong Marso 4 nina Erap at Binay sa Carmen, Cebu.
Ipinaliwanag ng opisyal na sa kanilang imbestigasyon ay napatunayan nilang toy gun lamang at hindi rin maikukumpara sa naturang klase ng armas ang naturang motif ng sasakyan.
Idinagdag pa ni Bacolod na ang nasabing toy gun ay ibabalik na nila kay Carmen Mayor Sonia Pua. (Joy Cantos)