MANILA, Philippines - Pinasalamatan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police Academy (PNPA) si Pangulong Arroyo matapos na itaas sa 400 ang quota ng mga ta tanggaping kadete kada taon ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Sinabi ni PNPA Commandant, P/Chief Supt. Danilo Abarsoza na malaking tulong na ito upang mabigyan ng oportunidad ang napakaraming aplikante ng akademya na nagnanais mag-pulis dulot na rin ng kawalan ng oportunidad dahil sa nararanasang “global economic crisis”.
Ayon pa dito, umaabot sa 24,000 aplikante ang kanilang natanggap ngayong taon na gustong magpulis buhat sa iba’t ibang panig ng bansa.
Karaniwang hanggang 300 lamang ang kanilang tinatanggap dahil sa kakapusan ng pondo ngunit ngayon ay makapagdadagdag na sila ng 100 pang kadete dahil sa dagdag na pondo na ilalaan ng Pangulo sa akademya.
Sinabi rin ni Abarzosa na kanilang susundin ang utos ng Pangulo na bahagian ng kanilang taunang “savings” ang mga mahihirap na komunidad partikular na ang mga paaralan ng mga mahihirap upang mapakain ang mga ito lalo na ang mga nakapaligid sa kanilang kampo.
Ang PNPA ay humuhubog ng mga kadete na isasailalim sa apat na taong pag-aaral at pagsasanay kung saan otomatikong makukuha ng mga ito ang ranggong Police Inspector (2nd Lieutenant sa military) habang ang PNTI naman ay isinasailalim sa anim hanggang isang taong pagsasanay ang mga aplikante na magtatapos sa ranggong “Police Officer 1”. (Danilo Garcia/Joy Cantos)