MANILA, Philippines - Kasalukuyang isinasailalim umano sa pagsusuri ang ilang brand ng ketchup na nabibili sa merkado upang makatiyak na ligtas ito sa Salmonella.
Hindi naman ibinunyag pa ni Bureau of Food and Drugs (BFAD) Director Leticia Gutierrez ang mga brand ng ketchup hanggat hindi pa kumpleto ang pagsusuri upang hindi naman umano makaalarma sa mga mamimili.
Iginiit ni Gutierrez na maging ang ketchup, tulad ng peanut butter, ay lumalabas na paborito ng mga bata kaya dapat agad na suriin upang agad na makapag-ingat ang publiko.
Kasabay nito, nagbabala na rin si Gutierrez na susuyurin ang mga factory na gumagawa ng pagkain partikular sa lumalabag sa sanitation at hygiene.
Umapela din sa publiko si Gutierrez na dapat na ring maging vigilante ang publiko sa mga maoobserbahang lumalabag sa kautusan ng BFAD tulad ng marurming pagawaan ng pagkain na ireport sa kanilang ahensiya dahil nakasalalay dito ang kaligtasan at kalusugan ng nakararami. (Ludy Bermudo/Rose Tesoro)