Pamilya ni Dumlao 'inayos' ng solon

MANILA, Philippines - Hindi lang umano panggastos ni dating Police Supt. Glenn Dumlao ang sinagot ng isang mambabatas para labanan ang extradition case nito sa Amerika, kundi maging ang kanyang pamilya sa Isabela ay kinausap din nito. Ito ang nabatid sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa Department of Justice (DOJ) matapos lumutang sa media ang tunay na pamilya ni Dumlao na nagpahayag ng suporta sa kanilang kaanak na akusado sa Dacer-Corbito double murder case.

Ayon sa source, dumating ang naturang mambabatas sa Isabela noong Marso 20 ng gabi at kinabukasan (Marso 21), naganap ang breakfast meeting nito sa Amity Hotel sa Cauayan, Isabela kay Juliet Dumlao, tunay na asawa ni Glenn. Inutusan umano ng mambabatas si Juliet na manawagan sa media na suportado ng kanilang pamilya si Glen at nais nilang makabalik na ito sa bansa na ginawa naman ng ginang.

“Posibleng malaking halaga ang pinakawalan ng mambabatas para sa kanyang pakulo upang malihis ang isyung pinondohan niya ang $100,000 piyansa ni Dumlao sa Amerika,” sabi pa ng source. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments