MANILA, Philippines - Nanawagan ang Public Atty’s Office (PAO) sa mga law graduates na papasa sa bar exam ngayong Abril na pumasok dito upang mapunan ang pangangailangan nila sa mga abogado.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, 600 pa na mga abogado ang kailangan ng PAO dahil sa ngayon ay 1,048 ang PAO lawyers.
Sa Ilalim ng RA 9406 o PAO law na nilagdaan noong Marso 2008 ni Pangulong Arroyo, ang bilang ng abogado ay dapat sindami din ng bilang ng husgado na ngayon ay umaabot ng 2,290 sa buong Pilipinas.
Mandato ng bagong batas na mabigyan ng konsentrasyon ang mga bagong abogado na itatalaga sa mga labor cases, gayundin sa pagtulong sa mga pulis, biktima na qualified sa serbisyo ng PAO.
Nilinaw pa ni Acosta na uunahing bigyan ng tig-iisang abogado ang mga family courts, special criminal courts at mga husgado na araw-araw nagbi-bista na kailangang may nakatalagang isa lamang abogado. (Gemma Amargo-Garcia/Angie dela Cruz)