Bihag pupugutan ng Abu!
MANILA, Philippines - Muling binalaan ng Abu Sayyaf Group ang militar na pupugutan nito ang isa sa mga miyembro ng International Committee of the Red Cross sa loob ng linggong ito kung hindi aalisin ng gobyerno ang tropa ng militar sa lugar na kanilang pinagkukutaan.
Ang pinakabagong pananakot ay ginawa ni ASG Commander Albader Parad noong Lunes sa pakikipag-usap nito sa isang opisyal ng gobyerno.
Gayunman, hindi pumayag ang panig ng militar sa nais ng ASG dahil maituturing na traydor umano ang mga ito at hindi marunong tumupad sa kanilang sinasabi.Titiyakin din ng militar na hindi mawawala sa kanilang paningin ang ASG.
“Hanggang ngayon sumusugal tayong lahat na matatapos din ang pakikipag-bargain ng ASG at tuluyan nang pakakawalan ang mga bihag nila,” ayon naman kay AFP Spokesman Lt.col. Ernesto Torres.
Ayon naman kay Lt. Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita sa “hostage crisis” sa Sulu, magsisilbing daan ang kanilang pag-atras ng puwersa sa posibleng pagtakas ng mga bandido. Iginiit nito na dahil sa naturang pagbabanta, lumalabas ngayon na epektibo ang kanilang ibinibigay na “pressure” sa mga bandido.
Hindi rin ikinokonsidera ni AFP Chief Gen.l Alexander Yano ang “pullout” ng kanilang puwersa at mananatili ang mga ito sa kanilang posisyon sa Sulu.
Sinabi ni Yano na mahirap pagkatiwalaan ang pahayag ng mga bandido dahil una na silang hindi tumupad sa pangakong pakakawalan ang isa sa mga bihag matapos silang mag-reposition ng kanilang puwersa sa bayan ng Indanan kamakailan.
Ngunit ayon kay Philippine National Red Cross chairman Sen. Richard Gordon, mas lalo pang lumaki ang “demand” ng ASG kung saan hinihingi ng mga ito ang “two-thirds” ng Jolo at pag-atras ng mga armadong barangay volunteers na unang hindi kasama sa kasunduan.
Una ng nagbanta si Parad na papatayin ang lahat ng bihag nito kung muling magtatangka ang gobyerno na pasukin ang kanilang kuta at kunin ang mga hostages.
Ang ICRC members na sina Swiss national Andreas Notter , Mary Jean Lacaba at Italianong si Eugenio Vagni ay binihag ng ASG noong Enero 15 sa Jolo, Sulu.
- Latest
- Trending