Dacer-Corbito slay: Lacson madidiin kay Oxi
MANILA, Philippines - Namemeligrong madiin si Senador Panfilo Lacson sa kaso ni Reynaldo Lopez Oximoso alyas Oxi, ang sinasabing driver ng kotseng sinakyan niya at ng iba niyang dating tauhan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force habang pinag-uusapan umano ang planong pagpaslang sa publicist na si Salvador”Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.
Lumabas ang posibilidad na ito matapos lumitaw na si Oximoso ay matagal nang wanted sa batas dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa apat na tao sa Quezon City noong Pebrero 17, 1984.
Hawak ni National Bureau of Investigation Deputy Director Reynaldo Esmeralda ang isang kopya ng warrant of arrest laban kay Oximoso na ipinalabas ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jaime Salazar noong Abril 22, 1993 at hindi pa naisisilbi sa suspek hanggang sa kasalukuyan.
Naunang inamin ni Lacson na naging driver niya si Oximoso noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police at ng PAOCTF at nagpalabas ng affidavit ang huli na nagsasabing hindi nito natandaang sumakay sa kotse ng mambabatas sina dating Police Superintendents Cesar Mancao at Glenn Dumlao.
Ayon sa huling affidavit ni Mancao, magkakasama sila nina Lacson, Dumlao at Michael Ray Aquino sa kotseng minamaneho ni Oximoso nang iutos ang pagdampot kay Dacer.
Gayunman, sinabi ni Esmeralda na kuwestyunable kung bakit kinuha ni Lacson na driver ng PAOCTF si Oximoso gayong wanted ito sa kasong murder at may nakabimbing arrest warrant.
Sinabi ni Esmeralda na hindi maaaring hindi alam ni Lacson ang arrest warrant laban kay Oximoso dahil siya ang hepe noon ng PNP.
Ayon naman kay Justice Secretary Raul Gonzalez, maraming dapat ipaliwanag si Lacson hinggil sa pagkuha kay Oximoso bilang driver.
Hanggang sa kasalukuyan din, pinapahanap ni Gonzalez si Oximoso para pagtapatin ito sa nalalaman nito sa Dacer-Corbito murder case at harapin ang isa pa nitong kasong pagpatay.
- Latest
- Trending