Tax sa text dagdag pahirap sa Pinoy
MANILA, Philippines - Dagdag pahirap lamang sa mga Pinoy ang panukala ng isang kongresista na patawan pa ng karagdagang buwis ang text messaging, ayon kay Nacionalista Party President at Senador Manuel ‘Manny’ Villar.
Ayon sa senador, tutol siya sa panukala ni House oversight committee chairman at Quezon Congressman Danilo Suarez na dagdagan pa ng P.10 sentimo bilang buwis ang kada text message na ipadadala ng isang subscriber. Ikinatwiran ng kongresista na kikita ang pamahalaan ng P200 milyon kada araw kung dadagdagan pa ng buwis ang text messaging.
Ipinunto naman ni Villar na sa kasalukuyang krisis na nararanasan ng mga Filipino hindi na dapat pang magpataw ng karagdagang buwis sa pagpapadala ng text na isa sa pinakamurang paraan ng pakikipagtalastasan.
Ikinatwiran ni Villar na marami pang maaaring pagkunan ng buwis ang Senado at Kongreso subalit hindi muna sa panahon na nararanasan ang krisis sa ekonomiya at ang dapat munang pagtuunan ng pansin ay ang pagbutihin ang tamang koleksiyon sa buwis ng kinauukulang ahensiya. Umaabot sa halos P75 B kada taon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa hindi pagbayad ng tamang buwis.
Inihalimbawa pa ni Villar ang pagpapataw ng mas malaking buwis sa sigarilyo at alak o ang sin taxes na isa rin sa mga paraan para maputol ang hindi magandang bisyo ng ilan sa kakabayan natin. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending