AFP inilipat na ang tropa sa Sulu
MANILA, Philippines - Hindi “total pullout” kundi ‘repositioning ‘ o paglilipat ng puwesto ng tropa ang ipinatupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang bigyang daan ang negosasyon para sa ligtas na pagpapalaya sa tatlong bini hag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa lalawigan ng Sulu.
Ito’y matapos hilingin ni ICRC Crisis Committee Chairman at Sen. Richard Gordon sa AFP na ipull-out ang tropa ng mga sundalo sa Indanan, Sulu kapalit ng pagpapalaya ng isa sa mga bihag.
Ang apela ay ginawa ni Gordon sa pakikipag-usap nito kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano, PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa at iba pang matataas na opisyal matapos na magbanta ang isang nagpakilalang si Abu Sayyaf Commander Albader Parad na pupugutan ng ulo ang isa sa mga bihag kung walang magaganap na military pullout sa lugar.
Ipinaliwanag ni Gordon, kapag napalaya na ang isa sa mga bihag ay magsisimula na rin ang pakikipag-negosasyon ni MILF chairman Nur Misuari sa grupo ni Parad para mapalaya ang iba pang bihag nito.
Naniniwala naman ang Malacañang na ang banta ng ASG na pupugutan ang ulo ng mga bihag ay isa lamang “pananakot”.
Pero tiniyak ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr., na nanatili pa ring prayoridad ng AFP ang kaligtasan ng mga bihag. (Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending