MANILA, Philippines - Isang panukala ng Administrasyon na isinampa sa Konseho ng Maynila ay nag-ani ng matinding kontrobersiya dahil sa layunin nitong panatilihin ang mga oil depots sa Pandacan at mga industriyang makaka-sira sa kalikasan.
Ang panukalang akda ni Konsehala Arlene Koa ay mag-aamiyenda sa Ordinance 8119, Ordinance 8027 at ng desisyon ng Korte Suprema noong Pebrero 13, 2008, na nag-uutos na tanggalin na sa Maynila ang naturang mga oil depots. Tinuligsa ang mga panukala bilang mapanlinlang na kilos upang hayaang magpatuloy ang operasyon ng mga oil depots bagamat napa tunayan nang ito’y mapanganib at peligro sa Maynila.
Kung maisasabatas ang naturang panukala, magiging legal ang mga ipinagbabawal ng Ordinance 8119, Ordinance 8027 at ang desisyon ng Korte Suprema. Isa ito umanong tuso at pailalim na kilos upang gawing nasa batas ang dating ipinagbabawal ng batas.
Bagamat ang panukala ay mukhang isang inosenteng pag-amiyenda lamang sa mga ordinansa, kung susuriin ito, ito rin ay magpapahintulot na ang mga industriyang nakalalason at nakasisira sa kalikasan ay maaari nang maitayo at maglipana sa Maynila.
Sinabi naman ni Konsehala Ma. Lourdes “Bonjay” Isip-Garcia., “Ang Maynila ay magiging sentro ng paggawa ng mga nakalalason na mga kemikal, produkto at iba pang gayong uri ng industriya. Isinama pa nito ang petroleum products at oil depots. Walang lungsod saan man sa mundo ang nagpapahintulot ng oil depots sa loob ng lungsod. Ngunit ang bagong panukala, hindi lamang pinahihintulutang manatili ang mga oil depots, tila inaanyayahan pang magtayong muli ng petroleum refineries.”