MANILA, Philippines - Tatlong Pinay na ginawang prostitutes sa Malaysia ang nasagip ng OFW Helpline ni Senador Manny Villar.
Sina Grace, Evelyn at Rhea (hindi nila tunay na pangalan), pawang 29-anyos, ay nakabalik na sa bansa noong Pebrero 21 at agad nakipagkita kay Villar para magpasalamat sa naitulong sa kanila ng OFW Helpline.
Sinagip sila ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur at ng mga awtoridad ng Malaysia buhat sa isang prostitution den sa Kuching kung saan sila ikinulong.
Ayon kay Villar, hini - ling ng OFW Helpline 09174226800 ang tulong ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur upang mailigtas si Grace, tubong Cabanatuan na pinuwersang gumamit ng illegal na gamot at minaltrato sa Malaysia.
Si Grace ay naging mang-aawit sa Japan at inalok ng isang recruiter sa Cabanatuan na magtrabaho sa Malaysia bilang mag-aawit din sa sweldong P250 bawat oras. Sa pagsagip kay Grace ay nasagip din sina Evelyn mula sa Pangasinan at Rhea ng Antipolo.
Ayon kay Grace, pinuwersa siyang gumamit ng cocaine at marijuana habang inaaliw ang mga customer na nagamit din ng bawal na gamot. Binantaan siya ng nagmamay-ari ng prostitution den na hindi pasusuwelduhin at hindi pakakainin kapag hindi siya sumunod.
Ipinahayag ni Villar ang matinding pagkadismaya sa patuloy na operasyon ng mga human trafficker sa bansa sa kabila ng pagsasabatas ng RA 9283 o Anti-Trafficking in Persons Act.
Ang OFW Helpline, simula nang ilunsad noong Mayo 2008, ay nakatulong na sa paglilikas ng may 4000 OFWs. (Ellen Fernando)