Jalosjos laya na
MANILA, Philippines - Tuluyan nang nakalaya kahapon ng umaga ang sentensyadong child rapist na si dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos pagkaraang makulong nang 16 na taon sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Kinumpirma ni NBP Director Oscar Calderon na tuluyang pinakawalan si Jalosjos bandang alas-9 ng umaga makaraang makatanggap ito ng certificate of discharge.
Si Jalosjos ay unang sinentensiyahan ng Makati City Regional Court noong 1997 ng parusang reclusion perpetua sa kasong two counts of statutory rape at six counts of acts of lasciviousness matapos mapatunayan na ginahasa nito ang isang 11-anyos na batang babae noong 1996.
Ayon pa kay Calderon, maging si Jalosjos ay nasorpresa sa paglaya nito at tanging ang misis lamang ng dating mambabatas ang sumundo sa kaniya sa NBP para magtungong Cebu. Gayunman, sa Huwebes pa ang nakasaad sa release order nito para lumabas ng bilangguan dahil marami pa aniyang dapat na ayusin sa mga papeles nito.
Ayon naman kay NBP executive assistant Senior Supt. Bartolome Bustamante, inaprubahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang release paper ni Jalosjos dahil napagsilbihan na umano nito ng mahigit sa 16-taon sa loob ng bilangguan ang kaniyang sentensiya.
Bago pa man pinalaya kahapon si Jalosjos, binigyan siya ng “live-out status” ng Bureau of Corrections at pinahintulutang gumala sa compound ng NBP complex nang walang escorts na noon ay palatandaan na pala ng kaniyang tuluyang paglaya. (Gemma Garcia/Rose Tesoro)
- Latest
- Trending