Parad buhay pa, nagbantang pupugutan ang ICRC hostage
MANILA, Philippines - Binalaan ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad ang tropa ng militar na pupugutan ng ulo ang isa sa mga miyembro ng International Committeee of the Red Cross (ICRC) kapag sinugod ng huli ang kanilang kasalukuyang kuta sa Sulu.
Ang pahayag ay ginawa ni Parad matapos na pabulaanan nito na siya ay napatay ng tropa ng Phillippine Marines sa Indanan, Sulu kasunod ang pagbabanta kahapon dakong alas-5 ng hapon na pupugutan ang isa sa mga ICRC members na kinabibilangan nina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba, na una ng dinukot noong Enero 15.
Sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan pa rin ang mga nasabing hostages. Una ng naiulat na namatay si Parad ng maubusan ng dugo habang tatlong sundalo naman ang nalagas sa pwersa ng militar.
Nangako naman ang AFP na gagawin ang lahat upang mailigtas nang buhay ang mga bihag.
Samantala, duda naman ang militar na buhay si Parad dahil ang tunay na Parad ay di marunong mag-Tagalog dahil isa itong Tausog bukod pa sa walang cellsite sa Indanan, Sulu.
Ayon kay AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr., posibleng hindi ang totoong Parad ang nakapanayam at nais lamang ng Abu Sayyaf na palitawing buo pa ang kanilang puwersa kaya may lumulutang na nagpapanggap sa katauhan ng kanilang lider. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending