Summer pa rin kahit may ulan
MANILA, Philippines - Nilinaw ng Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pansamantala lamang ang nararanasang pag-ulan kahapon sa ilang bahagi ng bansa partikular na sa Metro Manila, Bicol, Eastern Visayas at Eastern Mindanao.
Ayon kay Pagasa Director Prisco Nilo, totoong hindi pangkaraniwan ang biglang pag-ulan kahapon dahil nagsimula na ang tag-araw, ngunit walang bagyo.
Aniya, posibleng epekto lamang ito ng global warming o climate change.
Sinabi pa nito na ang malamig na klima at pag-ulan ay dahil sa weather system na tinatawag na easterly wave o ulan sa tag-araw.
Pangunahing apektado nito umano ang Eastern Visayas, Eastern Mindanao at Bicol region ngunit naabot ng kaulapan ang Kamaynilaan.
Tiniyak ni Nilo na pansamantala lamang ang naranasang ulan at muling babalik ang maalinsangan at maaliwalas na panahon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending