5 pulis sinuspinde sa 'hulidap'
MANILA, Philippines - Limang pulis ang sinuspinde ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) makaraang ireklamo ng isang negosyante na kanilang inaresto noong 2007 sa Quirino Grandstand at hiningian umano ng halagang P1 milyon.
Sa 24-pahinang desisyon ni PLEB Executive Director Atty. Romeo Cairme na may petsang Marso 11, 2009, pinatawan ng 90 days suspension si Police Senior Insp. Baltazar Beran habang sina SPO4 Rosendo Tolentino, PO2 Zal Mondenedo, PO2 Noel Baldonado at PO2 Wilfredo Valdez ay sinuspindi naman ng 60 araw.
Sa reklamo ng biktimang si Arnel Sanciego y Linatoc, inaresto siya ng limang pulis noong Pebrero 6, 2007 habang siya ay nasa Seafood Wharf Restaurant sa Luneta dahil umano sa pagdadala ng baril.
Dinala sa tanggapan ng DPIU-MPD ang biktima saka umano hiningian ng P1milyon kapalit ng kanyang kalayaan. Hindi nagbigay ng pera ang biktima dahil kumpleto naman anya ng dokumento ang baril na dala nito kaya sinampahan siya ng kasong illegal possession of firearms at gunrunning hanggang madismis ang kaso at siya naman ang nagreklamo laban sa limang pulis. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending