MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ang area manager ng Legaspi Airport matapos umanong gawing “training ground” ng kanyang anak na lalaki ang runway para sa kanyang nobya na nag-aaral magmaneho ng sasakyan sanhi upang muntik nang bumangga ang isang papa-landing na eroplano ng Cebu Pacific nitong Sabado.
Iniutos ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) director general Ruben Ciron na alisin si Frisco Sto. Domingo bilang area manager ng Legaspi Airport na ngayon ay naka-official leave.
Pinag-aaralan naman ng CAAP ang pagsasampa ng kaso laban sa anak nitong si Frisco Sto. Domingo Jr.
Base sa report, nitong Sabado, napilitang i-abort ng piloto ang pa-landing na sanang Cebu Pacific flight CEB-172 sa Legaspi Airport na nagmula pa sa Mactan International Airport sa Cebu dakong alas-2:10 ng hapon nang bumara at humarang umano sa runway ang Delica lite ace van ng nakababatang Sto. Domingo.
Kasalukuyang tinuturuan umano ni Sto. Domingo Jr. ang kanyang nobya sa pagda-drive sa runway gamit ang naturang van at hindi napansin ang pababa nang eroplano.
Bago ang landing ng nasabing eroplano, pinagana ng control tower ng Legaspi airport ang sirena nito bilang hudyat at babala para sa mga sibilyan o mga sasakyan sa tarmac na may pa-landing na eroplano at kailangang ma-clear ng lugar.
Idinahilan ni Sto. Domingo Jr na hindi niya narinig ang tunog ng sirena at sa paparating na eroplano. (Ellen Fernando)