MANILA, Philippines - Nakalabas na sa Pilipi nas at maninirahan na sa United States si “Nicole,” ang Pinay na ginahasa ng sundalong Amerikanong si Lance Corporal Daniel Smith sa Subic, Zambales noong 2005.
Ito ang kinumpirma ng dating abogado ni Nicole na si Evalyn Ursua na nagsabing dalawang Linggo nang nasa Amerika ang una.
Nabatid na isang liham ang iniwan ni Nicole na nagsasabing inuurong na niya ang demanda niya laban kay Smith at pinuputol na niya ang serbisyo sa kanya ni Ursua.
Kinukumpirma ng Bureau of Immigration habang isinusulat ito kung nakalabas na nga ng bansa si Nicole.
Sinabi ni Ursua na pinagbasihan niya ng kanyang pahayag ang sinabi sa kanya ng ina ni Nicole at ng liham sa kanya nito.
Nakasaad sa liham ni Nicole ang kanyang pasasalamat sa ibinigay na serbisyo ni Ursua subalit ipinahayag na tinatanggal na rin ang kanyang serbisyo bilang abogado nito dahil ayaw na niyang maabala pa.
Ayon sa ina ni Nicole, mananatili na sa US ang kanyang anak dahil pagod na rin ito sa pakikipag laban at naniniwalang wala nang hustisya pa sa Pilipinas.
Malaki naman ang paniwala ng ilang militante na tila ‘naareglo’ na si Ni cole na inuugnay sa usapin sa Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at US na pilit na ipinababasura ngayon dahil sa nasabing rape case.
Naging mainit ang usapin sa VFA dahil sa kung sino ang may karapatan sa kustodya ni Smith at sa mga sundalong nahahatulan sa mababang korte.
Nakabimbin pa sa Court of Appeals ang naturang kaso dahil sa paghahabol ni Smith makaraang masentensyahan ng Makati Regional Trial Court.
Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez na “plastik” si Nicole dahil hindi totoo ang galit nito kay Smith.
Nilinaw ng kalihim na wala nang epekto ang pag-atras ni Nicole sa kaso dahil sa nadesisyunan na ito ng Hukuman at pinagsisilbihan ni Smith ang sentensyta at nakabinbin pa ang petisyon ng akusado sa CA.
Nagsisi naman ang Kalihim kung bakit hindi niya sinunod ang nais pa noon ni NIcole na alisin ang “meaty part” sa kanyang testimonya kabilang dito ang panggagahasa sa kanya ni Smith at umatras na siya sa kaso.
Kung alam lang ni Gonzalez na ganito rin ang magiging hakbang ni NIicole ay dapat sinunod na niya ang nais ng biktima upang hindi na nakaladlad pa sa eskandalo ang Pilipinas. (Ellen Fernando at Gemma Amargo-Garcia)