MANILA, Philippines - Umalma kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa matapos gawing katawa-tawa sa publiko ang kanyang imahe sa isang comedy soap opera.
Sinabi ni Verzosa na may karapatan ang PNP na pumalag sa mga movie at television producers na tuwirang tumutukoy sa isang opisyal na idinadawit sa mga illegal na gawain o ginagawang sentro ng katatawanan sa isang pelikula.
Hindi naman tinukoy ni Verzosa kung anong teleserye ito na nagtapos kamakailan na nagpakita sa isang 4-Star General ng PNP na dinuduro-duro sa ilong at bunga nito ay naging pokus ng katatawanan sa eksena.
Sinabi ni Verzosa na tinamaan siya sa nasabing palabas dahil ang binibira nito ay ang puwesto ng PNP Chief na ayon dito ay nagiging dahilan upang lalo pang mahirapan ang PNP na mapaganda ang kanilang imahe sa harap ng kanilang isinusulong na transformation program.
Sa nasabing teleserye ay isang de-bigoteng sikat na actor na gumanap na 4-star general ang siya pang utak ng drug syndicates kung saan ayon kay Verzosa ay malinaw na siya ang pinatatamaan dahilan iisa lamang ang Chief ng PNP.
Ang Chief PNP ay kilala sa bansag na ‘Bigote ‘ lalo na noong nasa Intelligence pa ito ng PNP bagaman nagtanggal na ito ng bigote.
Sinabi naman ni PNP Directorate for Police Community Relations Chief P/Director German Doria na makikipagpulong sila sa mga movie at television producers na kung gagawa ng palabas na tumutukoy sa imahe ng PNP ay magkaroon muna ng konsultasyon sa kanilang mga opisyal. (Joy Cantos)