MANILA, Philippines - Naaresto ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang isang truck driver at 3 iba pa habang lulan ang isang truck ng illegally cut lumber na para sa shipment sa Taiwan kamakailan sa Atimonan, Quezon.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., ang mga naaresto ay sina Teodoro Bacsa, Zaldy Aguinaldo, Joe Anthony Augusto at Romeo Landicho.
Sinabi ni Usec. Villar, nagsasagawa sana ng inspeksyon ang PASG sa isang bodega sa Tayabas, Quezon ng mayroong mag-tip na ang isang truck na dadaan sa Atimonan highway ay mayroong lulan na hot lumber at palulusutin patungong Taiwan.
Kaagad hinarang ng mga PASG at PNP ang truck na may plakang TYN-194 na minamaneho ni Basca at nang sitahin nila ay tinangka pa silang suhulan.
Nabigo ang driver ng truck na magpakita ng kaukulang papeles ng lulan nitong mga troso.
Nang siyasatin ang truck ay natuklasan na naglalaman ito ng Yakal, Antipolo at Red/White Lawaan na may kabuuang bilang na 1,295 pieces gayung 697 lamang ang ibinibigay na permit ng DENR.
Magugunita na ipinagbawal pansamantala ni Pangulong Arroyo ang pagputol ng mga puno sa mountain areas dahil na rin sa naranasang flash flood ng lalawigan ng Quezon at Aurora. (Rudy Andal)