16 Pinoy inaresto sa China

MANILA, Philippines - Muling nagpalabas ng babala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga turista sa ibang bansa na lumayo sa sindikato ng “drug trafficking” matapos ang ulat na 16 na namang Pilipino ang nadakip sa China ngayong 2009 dahil sa pagtatangkang magpa­ sok ng iligal na droga.

Sa ulat na inilabas ng Philippine Embassy sa Beijing, patuloy pa ring ginagamit ng mga sindikato ang mga Pilipino bilang mga “drug mules” sa mainland China, at maging sa Hongkong at Macau.

Sa 16, apat dito ang nadakip sa Guangzhou, tig-3 sa Xiamen, Shanghai, Hongkong at Macau.

Muling sinegundahan ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. ang muling pagpapalabas ng babala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Filipino na bumibiyahe patungo sa China. Kabi­lang dito ang hindi pakiki­pag­kasundo sa mga es­tranghero na makikipagka­ibigan sa kanila at hihiling na magpasok ng bagahe na hindi nila alam ang la­man kapalit ng malaking halaga.

Nagbabala rin si San­tiago sa mga Pinoy na direktang nakikipagtran­saksyon kahit alam nilang sindikato ng iligal na droga ang kanilang kausap na parusang kamatayan ang kanilang kakaharapin sa China sa oras na madakip sila at hindi sila maaaring saklolohan ng Pilipinas.

Sa datos ng PDEA, 69 Filipino ang nadakip ng mga otoridad sa China na sangkot sa iligal na droga kung saan marami sa mga ito ang nahaharap sa parusang kamatayan. Tina­tayang nasa 240 namang kababayan natin ang ka­buuang naaresto sa iba’t ibang bansa sa mundo dahil sa iligal na droga. (Danilo Garcia/Mer Layson)

Show comments