MANILA, Philippines - Pinaiikot at niloloko lamang ang publiko ng Gotesco Investments Inc. (GII) dahil pawang haka-ha ka at imbento ang pinagsasabi nito hinggil sa tunay na nangyari sa usapin kung bakit naglabas ang korte ng “writ of possession” pabor sa Caloocan City government.
Kasabay nito, hinamon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na patunayan ng tagapagsalita ng Gotesco Investments Inc. (GII) ang sinabi nitong ginawang panloloko ng city government sa pamunuan ng GII na dating may-ari ng Ever Gotesco Grand Central dahil hanggang ngayon ay wala itong maipakitang papel o dokumento na magpapatunay na totoo ang kanilang sinasabing akusasyon at maging sa sinasabi nilang binayaran sa city hall.
“Ibang klaseng negosyante ang mga may-ari ng Gotesco, ang gusto nila puro kita o profit pero ayaw nilang magbayad ng kaukulang buwis o obligasyon sa gobyerno,” ani Echiverri.
Ayon pa sa alkalde, walang katotohanan ang mga sinabi ng tagapagsalita ng GII dahil puro gawa-gawa at imbento lamang nina Attys. Argee Guevarra at Trixie Angeles ang mga binitiwang pahayag ng dalawa.
Sinabi rin ng alkalde na ang tunay na isyu sa kaganapang ito ay ang hindi pagbabayad ng real property tax ng pamunuan ng GII sa Grand Central na naging ugat para mapatalsik sila sa naturang property.
“Magkaiba ang utang nila sa lupa hinggil sa bilihan ng naturang pag-aari na sinasabi nilang binayaran nila ng P30 milyon at magkaiba rin ang utang nila sa real property tax na umabot sa P722.3 milyon dahil sa hindi nila pagbabayad ng 23 taon,”ani Echiverri.
Pinasinungalingan din ni Echiverri ang akusasyon na nagbigay ng sako-sakong pera ang pamunuan ng GII sa opisyal ng city hall dahil base sa kuwento ng mga tagapagsalita ng Grand Central ay nalaglag pa raw ang ibang pera sa elevator samantalang wala namang gumaganang elevator ang city hall magmula noong maupo ang alkalde.
Idinagdag din ni Echi verri na tao ang panalo sa pagkakakuha ng Caloocan sa Grand Central dahil magiging katumbas nito ang mga proyekto sa lungsod. (Lordeth Bonilla)